|
||||||||
|
||
Sa seremonya ng pagbubukas ng 2018 Beijing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC) Lunes, Setyembre 3, bumigkas ng keynote speece si Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Sa kanyang talumpating pinamagatang "Magkakasamang Magsikap para sa Komong Kaunlaran at Pinagbabahaginang Kinabukasan," ipinahayag ni Xi na sa susunod na tatlong taon at hinaharap, magpapatupad ang Tsina ng walong pangunahing inisyatiba para mapahigpit ang kinabukasan ng Tsina't Aprika. Ang nasabing mga inisyatiba may may kinalaman sa kaunlarang industriyal, konektibidad sa imprastruktura, pagpapaginhawa ng kalakalan, berdeng kaunlaran, pagpapasulong ng kapasidad o capacity building, pangangalaga sa kalusugan, pagpapalitan ng mga tao, at kapayapaan at seguridad.
Si Pangulong Xi habang nagtatalumpati sa seremonya ng pagbubukas ng FOCAC 2018 Beijing Summit (photo credit: Xinhua)
Kasabay nito, ipinahayag din ni Pangulong Xi ang kahandaan ng Tsina na magkaloob ng 60 bilyong U.S. dollar na suporta sa pamamagitan ng tulong na pampamahalaan, institusyong pinansyal, at pamumuhunan ng mga bahay-kalakal, para matulungan ang mga bansang Aprikano na magtamo ng kani-kanilang layuning pangkaunlaran. Ang nasabing pondo ay ibubuhos pangunahin na sa tatlong larangan.
Una, ipapauna ang interes at kapakinabangan ng mga mamamayang Aprikano. Para rito, susuportahan ang mga bansang Aprikano na isakatuparan ang saligang food security sa taong 2030, i-u-upgrade ang 50 proyektong pangkalusugan at medikal na kinabibilangan ng pagkatig sa mga nanay at mga bata, at ipapatupad ang 50 proyektong pangkultura, pampalakasan at panturismo at 50 proyektong panseguridad.
Pangalawa, tutulungan ang mga bansang Aprikano sa pagpapalakas ng kakayahan sa sarilinang pag-unlad. Kabilang dito, magkakaloob ang Tsina ng mga pagsasanay na bokasyonal sa mga kabataang Aprikano, at itatatag ang Sentro ng Kooperasyong Pang-inobasyon ng Tsina't Aprika.
Pangatlo, pahihigpitin ang pag-uugnayan ng mga estratehiya ng Tsina't mga bansang Aprikano. Kabilang dito, pahihigpitin ang ugnayan sa pagitan ng magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI), "Agenda 2063" ng Unyong Aprikano (AU), UN2030 Agenda for Sustainable Development, at mga estratehiyang pangkaunlaran ng iba't ibang bansang Aprikano.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |