|
||||||||
|
||
Nitong 18 taong nakalipas sapul nang itatag ang Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC), ilang bansa't media na kanluranin ang nagtanong hinggil sa batayan ng kooperasyon ng Tsina't Aprika. Pero, kinakitaan ang katatapos na Beijing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC) ng pagbabago ng mga taong may pagduda hinggil sa ugnayang Sino-Aprikano.
Isa sa mga pagduda ay ang pamumuhunan ng Tsina sa Aprika na di umano'y "debt trap diplomacy." Noong 2015, tinukoy ng China-Africa Research Initiative ng School of Advanced International Studies, Johns Hopkins University na nakabase sa Amerika, na baka hindi makapagbayad ang mga bansang Aprikano sa mga pautang mula sa Tsina. Ayon naman sa pinakahuling ulat ng nasabing inisyatiba, ang pautang ng Tsina ay hindi pangunahing dahilan ng mga problemang pang-utang ng mga bansang Aprikano, sapagkat, ang karamihan ng kanilang utang ay galing sa mga pandaigdig na institusyong pinansyal.
Ang isa pang akusasyon: ang mga proyektong pangkaunlaran ng Tsina ay nakalikha lamang ng mga trabaho para mga Tsino sa Aprika, sa halip ng mga mamamayang Aprikano. Taliwas dito, sinipi kamakailan ng CNN ang ulat ng Mackinsey sa pagsasabing milyun-milyong trabaho ang nilikha ng Tsina sa Aprika, kung saan 2/3 ng mga bahay-kalakal Tsino na nakabase sa Aprika ang nagbibigay ng pagsasanay na bokasyonal sa mga empleyadong lokal. Sa 1,000 bahay-kalakal na Tsino sa walong bansang Aprikano na siniyasat ng nasabing ulat, 89% ng mga empleyado ay Aprikano.
Taliwas sa pananaw na hindi bagay sa mga bansang Aprikano ang modelo ng Tsina, sinipi kamakailan ng BBC si Michael Kottoh, kilalang analista sa pamumuhunan mula sa Ghana. May-ari si Kottoh ng Konfidants, kompanyang tapapayo na maraming pandaigdig na kliyente. Sinabi ni Kottoh na maraming narating na win-win na kasunduan ang Tsina at mga bansang Aprikano at wala sa mga ito ang mga paunang kondisyon na tulad na ginawa ng mga bansang Kanluranin sa kasaysayan.
Masasabing nagpatunay ang sinabi ni Kottoh sa prinsipyo ng "limang-hindi" na pinaninindigan ng Tsina sa pakikipagtulungan sa Aprika. Kabilang dito ay hindi makikialam ang Tsina sa mga bansang Aprikano sa paghahanap ng paraan ng pag-unlad na angkop sa sariling pambansang situwasyon; hindi makikialam ang Tsina sa mga suliraning panloob ng mga bansang Aprikano; hindi papatawan ng Tsina ng sariling hangarin ang mga bansang Aprikano; hindi magdudulot ang Tsina ng anumang kondisyong pulitikal sa mga proyekto sa Aprika; at hindi ito maghahangad ng sariling pulitikal na interes sa pamumuhunan at pagbibigay ng tulong salapi sa Aprika.
Bukas din ang Tsina sa mga pagtutulungan sa pagitan ng Aprika at ibang bansa't organisasyon. Kasabay ng FOCAC, mayroon ding Arab-Africa Summit, South America-Africa Summit, U.S.-Africa Leaders Summit, Tokyo International Conference on African Development, Turkey-Africa Cooperation Summit, at iba pa. Ikinalulugod na makita ng Tsina ang pag-unlad ng Aprika sa pamamagitan ng lahat ng nasabing mga pandaigdig na pagtutulungan.
Ang populasyon ng Tsina at Aprika ay bumubuo ng 1/3 ng kabuuang populasyon ng daigdig. Kaya, masasabing matutupad lamang ang pandaigdig na sustenableng pag-unlad kung maisasakatuparan ng Tsina't Aprika ang kanilang mapayapang pag-unlad. Ang pag-unlad ng relasyong Sino-Aprikano ay maaaring magsilbing di-maubos na suplay ng kasiglahan para mapalakas ang tinig ng mga umuunlad na bansa, mapabuti ang kaayusang pandaigdig at mapasulong ang reporma ng sistema ng pandaigdig na pangangasiwa. Huwaran ito ng multilateral na kooperasyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |