MAGKAKASAMA ang iba't ibang ahensya ng pamahalaang pambansa at lokal sa pagdalo sa mga nangangailangan lalo't higit sa mga nasalanta ng bagyo sa Hilagang Luzon.
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, umabot na sa 54 ang nasawi sa Cordillera Administrative Region samantalang may 33 ang mga nasugatan at may 49 na nawawala.
Umabot na rin sa higit sa P 28 milyon ang tulong na nailabas ng pamahalaan at non-government organizations sa mga nasalantang umabot sa 147,540 mga pamilya.
Sa press conference na idinaos sa Baguio City, sinabi ni Secretary Roque na bagama't natutuwa si Pangulong Duterte sa madaliang pagkilos at pagtugon ng pamahalaan sa mga nasalanta, ikinalulungkot din ng buong pamahalaang pambansa ang pagkasawi, pagkakasugat at pagkawala ng mga naging biktima ng pagguho ng lupa.