|
||||||||
|
||
Sa ilalim ng temang "Bagong Panahon, Bagong Silk Road, at Bagong Imahe," binuksan nitong Miyerkules ang Ikalawang 21st Century Maritime Silk Road China (Guangdong) International Communication Forum sa Zhuhai, siyudad sa lalawigang Guangdong sa dakong timog ng Tsina.
Nitong limang taong nakalipas sapul nang iharap ng Tsina ang Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan, lampas na sa limang trilyong dolyares ang kalakalan sa paninda sa pagitan ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road. Ang Belt and Road ay pinaikling termino para sa panlupang Silk Road Economic Belt at pandagat na Silk Road para sa Ika-21 Siglo.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Ma Xingrui, Gobernador ng Guangdong na bilang pangunahing lugar ng Silk Road na Pandagat para sa Ika-21 Siglo, patuloy na pasusulungin ng kanyang lalawigan ang konektibidad sa mga bansang dayuhan sa larangan ng patakaran, imprastruktura, kalakalan, pinansya, kultura, at tao para maisakatuparan ang komong kaunlaran.
Si Ma Xingrui
Sinabi naman ni Stefania Stafutti, Direktor ng Confucius Institute na nakabase sa Turin, Italya, na salamat sa Belt and Road Initiative (BRI), naihahatid sa Tsina ang durian mula sa Timog-silangang Asya at natitikman naman ng mga taga-Roma ang leechee ng Guangdong. Ang BRI ay naglalatag ng tulay ng pagkakaibigan at komunikasyon, aniya pa.
Si Stefania Stafutti
Sinabi naman ni Shen Haixiong, Puno ng China Media Group na ang silk road ay hindi lamang daanan ng kalakalan, kundi, daanan din ng pagpapalitan ng iba't ibang kultura at sibilisasyon. Hinimok niya ang mga kalahok na magkakasamang ipakilala ang diwa ng silk road na nagtatampok sa pagpapalitan, pagtutulungan at komong kasaganaan.
Si Shen Haixiong
Sa magkasamang pagtataguyod ng China Media Group (CMG) at pamahalaang probinsyal ng Guangdong, kalahok sa porum ang mahigit 800 panauhin mula sa 30 bansa na kinabibilangan ng mga puno ng organisasyong panrehiyon at pandaigdig, mangangalakal, dalubhasa, at media practioner. Ang porum ay binubuo ng tatlong sub-forum na nagtatampok sa pagpapakilala sa daigdig ng mga tatak ng Guangdong, pagpapasulong ng de-kalidad na pag-unlad sa pamamagitan ng inobasyong pansiyensya't panteknolohiya, at mga pagkakataong hatid ng Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |