|
||||||||
|
||
PengLiyuantalumpati
|
Inanyayahang magpahayag ng video message sa seremonya ng pagbubukas ng nasabing pulong si Professor Peng Liyuan, Unang Ginang ng Tsina at World Health Organization (WHO) goodwill ambassador para sa tuberculosis (TB) at HIV/AIDS.
Narito ang buong teksto ng talumpati ni Gng. Peng:
Mga mahal na kaibigan,
Ako si Peng Liyuan, goodwill ambassador para sa tuberculosis (TB) at HIV/AIDS ng World Health Organization (WHO). Ipinaaabot ko ang aking pagbati sa pagdaraos ng kasalukuyang pulong sa mataas na antas, at pangungumusta sa lahat.
Noong 2007, naging ambassador ako sa pagpigil at pagkontrol ng TB ng Tsina. Noong 2011, hinirang ako bilang good will ambassador ng WHO. Ito ang misyon at tungkulin na pinahahalagahan ko. Nitong mahigit sampung taong nakalipas, tuwing Marso 24, nagsasadya ako sa mga lugar na pinaka-apektado ng TB para mapataas ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa sakit na ito at hikayatin ang katugong aksyon.
Nitong nagdaang Marso, pumunta ako sa lalawigang Hubei sa gitnang bahagi ng Tsina. Ibinahagi ko sa mga batang estudyante roon ang mga kaalaman hinggil sa TB at pamamaraan sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay. Sinabi ko rin sa mga bata ang kahalagahan ng pagpapanatili ng personal na kalinisan. Sa isang nayon doon, nakatagpo ko ang isang dating pasyenteng ganap nang gumaling sa ngayon. Hinikayat ko siya na magsilbing tagapagpakilala ng kaalaman sa pagpigil at pagkontrol ng TB. Sa gayon, maaari niyang ibahagi sa mas maraming tao ang kanyang karanasan laban sa sakit na ito.
Sa aking nasabing biyahe, dumalo rin ako sa seremonya ng paggagawad sa mga tauhan sa pagpigil at pagkontrol sa TB. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa kababa-babaang yunit, at marami silang kahanga-hangang kuwento.
Narito ang kuwento ni Shili, isang manggagamot na babae mula sa klinik na lokal ng lalawigang Sichuan sa dakong timog-kanluran ng Tsina. Ang kanyang pangunahing tungkulin ay pag-aaruga sa mga may sakit ng TB sa lokalidad. Noong 2008 nang yanigin ng magnitude 8 na lindol ang Sichuan, ang kanyang lupang-tinubuan ay isa sa pinaka-apektadong lugar. Sa kabila ng pinsalang dulot ng lindol, sinubukan niyang muling makipag-ugnayan sa 540 pasyente na kanyang binantayan. Sa pagsuong sa mga nakamamatay na aftershock, napuntahan niya ang mga may-sakit. Mga 20 araw ang kanyang ginugol para i-abot ang mga gamot sa mga pasyente na naubusan ng medisina dahil sa lindol. Bilang doktor, alam na alam niya ang kahalagahan ng panggagamot sa mga may-TB. Nagbunga ang kanyang pagsisikap. Gumaling ang lahat ng 540 pasyente. Kaya, nakakagalak ang tagumpay niya.
Gusto ko ring pasalamatan ang mga media at lahat ng mga tagapagsuporta. Salamat sa pagsisikap ng mahigit 700,000 boluntaryo ng bansa, 75% ng populasyon ng Tsina ang nabigyan ng kaalaman hinggil sa TB. Bunga nito, maraming buhay ang nailigtas.
Sinaksihan ko rin ang mabilis na pag-unlad ng pambansang proyekto ng Tsina laban sa TB. Bunga ng bumubuting serbisyong medikal, maaari na kaming magkaloob ng mas epektibo at mas napapanahong diyagnosis at panggagamot. Sa ilang lugar ng Tsina, ang pagpigil at pagkontrol sa TB ay kabilang sa plano ng pagpapahupa ng kahirapan. Sa kasalukuyan, mas mabilis na nasusuri ang mga kaso ng TB, mas maraming pasyente ang nabibigyang-lunas, at patuloy na bumababa ang mga incidence at mortality rate.
Sa aking mga biyahe sa ibang bansa, inilagay ko din sa aking iskedyul ang pag-aaral tungkol sa kalagayan ng TB sa lokalidad. Ikinalulugod kong makitang natanggap ng mas maraming may-sakit ang tulong nilang kinakailangan. Ito ay bunga ng magkakasamang pagsisikap ng mga pamahalaan ng iba't ibang bansa, mga organisasyong pandaigdig, mga organisasyong di-pampamahalaan, mga dalubhasa, mga boluntaryo, at iba pa.
Pero, umiiral pa rin ang mga hamon. Halimbawa, ang multi-drug-resistant tuberculosis (MDR-TB) ay isa sa mga malaking banta. Kinakaharap din ng buong daigdig ang kakulangan sa paraan at pondo para sa pagbibigay-lunas sa mga may-sakit.
Pinagtibay ng WHO ang End TB Strategy, at ngayon na ang panahon para kumilos tayo. Nananawagan ako sa inyong lahat na lumahok sa amin, para baguhin ang pamumuhay ng ilang milyong taong apektado ng TB, at bigyang-wakas ang pagkalat ng sakit na ito.
Muli, umaasa akong magiging lubos na matagumpay ang pulong na ito.
Salamat sa inyong lahat!
Salin: Jade/Frank
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |