Punong himpilan ng United Nations (UN), New York—Miyerkules, Setyembre 26, local time, nakipagtagpo si Wang Yi, Ministrong Panlabas at Kasangguni ng Estado ng Tsina, sa mga ministrong panlabas at kinatawan ng Gulf Cooperation Council (GCC). Dumalo sa pagtatagpo sina Sabah Khaled al-Hamad al-Sabah, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Kuwait, kasalukuyang tagapangulong bansa ng GCC; Abdul Latif Al-Zayani, Pangkalahatang Kalihim ng GCC; at Kinatawan ng Ministrong Panlabas ng Oman, hahaliling tagapangulong bansa ng GCC.
Sinabi ni Wang na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang kooperasyon nito sa GCC, at kinakatigan ang sarilinang paghanap ng mga bansa ng GCC ng landas ng pag-unlad.
Ani Wang, sang-ayon ang panig Tsino sa muling pagsisimula ng kapuwa panig ng talastasan sa malayang sonang pangkalakalan, at ito ay magiging mahalagang nilalaman ng magkasamang pagtatatag ng Belt and Road, at paglikha ng community with a shared future ng dalawang panig. Kung mararating ng dalawang panig ang kasunduan sa malayang kalakalan, hindi lamang ito magkakaloob ng malaking lakas-panulak para sa sarili nilang pag-unlad, kundi magbibigay-suporta rin sa sistema ng malayang kalakalan, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, dagdag pa ni Wang.
Ipinahayag naman ng panig ng GCC na pinahahalagahan nito ang relasyon sa Tsina, at nakahanda itong magsikap, kasama ng panig Tsino, para marating ang kasunduan sa malayang sonang pangkalakalan sa lalong madaling panahon. Sang-ayon anila ang mga bansa ng GCC sa pagpapalakas ng koordinasyon sa Tsina sa mga suliraning pandaigdig.
Salin: Vera