Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipagtagpo sa Riyadh kahapon, Enero 19, 2016, kay Abdul-Latif Al-Zayani, Pangkalahatang Kalihim ng Cooperation Council for the Arab States of the Gulf (GCC), tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nitong 35 taong nakalipas sapul nang maitatag ang pag-uugnayan ng Tsina at GCC, bumubuti nang bumubuti ang relasyon ng dalawang panig, at may matatag na pundasyon at malawak na prospek ng pag-unlad ang kooperasyon ng dalawang panig. Aniya, sa pamamagitan ng konstruksyon ng "One Belt and One Road Initiative," nakahanda ang panig Tsino na isagawa ang pakikipagkooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa mga bansa ng GCC.
Idinagdag ng Pangulong Tsino na kinakatigan ng panig Tsino ang ginagawang pagsisikap ng mga bansa ng GCC para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at kinakatigan ang pagpapatingkad ng naturang mga bansa ng konstruktibong papel sa paglutas sa mga maiinit na isyu sa rehiyong ito.
Ipinahayag naman ni Abdul-Latif Al-Zayani na sa mula't mula pa'y napapanatili ang mainam na relasyon ng GCC at Tsina. Aniya, pawang sinang-ayunan ng iba't-ibang kasaping bansa ng GCC na itatag ang mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Tsina.
Salin: Li Feng