Mula Setyembre 27 hanggang 28, 2018, idinaos sa Chengdu ang Ika-12 Pulong ng Mekanismo ng Gawain ng Pagsasanggunian at Pagkokoordinahan sa mga Suliraning Panghanggahan ng Tsina at India na magkasamang pinanguluhan nina Yi Xianliang, Puno ng Departamento ng Suliraning Panghanggahan at Pandagat ng Ministring Panlabas ng Tsina, at Pranay Verma, Puno ng Departamento ng Silangang Asya ng Ministring Panlabas ng India. Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa mga ministring panlabas at pandepensa ng dalawang bansa.
Binalik-tanaw ng dalawang panig ang situwasyon ng rehiyong panghanggahan ng dalawang bansa sapul nang pumasok ang kasalukuyang taon. Malaliman din silang nagpalitan ng kuru-kuro tungkol sa mga temang gaya ng pagkontrol sa hanggahan, at pagpapalalim ng pagtitiwalaan sa rehiyong panghanggahan. Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na isakatuparan ang narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at ibayo pang palalimin ang pagsasanggunian at pagkokoordinahan ng mga departamento ng diplomasya at depensa para maayos na mahawakan ang mga isyung panghanggahan, mapalakas ang pagpapalagayan at pagtutulungan sa hanggahan, at magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa rehiyong panghanggahan.
Salin: Li Feng