|
||||||||
|
||
IKINALUGOD ng Pilipinas ang pakikipagtulungan ng Bahrain sa pagsasaayos ng kalagayan ng daan-daang mga Filipino na walang mga kaukulang papeles na maging regular ang kanilang pananatili sa mayamang bansa.
Ayon kay Undersecretary Sarah Lou Y. Arriola, marapat lamang ipagpasalamat ang mga repormang ipinatupad ng Bahrain tulad ng hindi na pangangailangan ng mga sponsor upang magtrabaho doon. Kasabay ito nga mga reporma sa kanilang palatuntunang legal, operasyon at aspetong sosyal ng mga kasambahay. Ito ang pahayag ni Bb. Arriola sa kanyang pakikipag-usap sa kinatawan ng Bahrain sa idinadaos na pagpupulong hinggil sa mga migranteng manggagawa sa Geneva.
Ito umano ang pinakamagandang naganap sa mga bansang kabilang sa Gulf Cooperation Counries at nagbibigay ng pag-asa sa mga bansang pinagmumulan ng mga manggagawa.
Mahalaga rin ang papel na ginampanan ni Ambassador Alfonso Ferdinand Ver upang maging regular ang mga manggagawang Filipino na walang kaukulang pahintulot na magtrabaho doon. Wala umanong panggastos ang mga ito sa kanilang work permit at mga visa.
Makabibili ang Embahada ng Pilipinas ng visa na may tagal na dalawang buwan upang makapagtrabaho ang mga manggagawa at maging regular sa kanilang pananatili sa bansa.
Ani Bb. Arriola, malamang na sumunod ang ibang bansang kabilang sa GCC upang higit na makatulong sa maraming mga manggagawang Filipino doon. Noon umano ay hirap makipag-usap ang mga Bahrain officials sa mga Filipino kaya't hindi nalulutas ang mga problema.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |