SINABI ni Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na hindi marumi ang Boracay matapos ang ginawang pagsasaayos sa nakalipas na anim na buwan.
Wala nang maruming tubig na nakita sa Boracay na unang binanggit ni Pangulong Duterte na isang malaking basurahan at pozo negro. Bumaba na rin ang bilang ng coliform sa Boracay. Maraming mga domestic tourist ang dagliang nagtungo sa dagat upang maligo. Sinalubong ng mga taga-Aklan at taga-Boracay ang mga panauhin. Gagawin na ang soft opening ng Boracay sa darating na Biyernes, ika-26 ng Oktubre. Handa na rin silang tumanggap ng mga banyagang turista.
Nanawagan naman ang Department of Tourism na tiyakin na mga dadalaw na saklaw ng accreditation ang kanilang titirhan sa Boracay. May 68 lamang nabigyan ng accreditation na tumanggap ng mga magbabakasyon. Ang mga walang titirhang hotel ay hindi na palalabasin pa ng paliparan.
Nagsimula nang bumalik ang mga manggagawang umalis noong isara ang pulo sa mga panauhin at mga trabahador.