|
||||||||
|
||
Nang kapanayamin Oktubre 14, local time ni Lesley Stahl, mamamahayag ng 60 Minutes ng CBS, sinabi ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na wala nang sapat na "munisyon" ang Tsina laban sa Amerika sa digamaang pangkalakalan ng dalawang bansa. Tinukoy rin ni Trump na maliit na labanan o "skirmish" lang, sa halip na digmaang pangkalakalan ang nangyayari sa pagitan ng dalawang bansa. Ipinaalala naman sa kanya ni Stahl na isang araw nauna rito, tinawag ito ni Trump bilang digmaang pangkalakalan. Pero, pinabulaanan ito ni Trump. Isinasaalang-alang niyang palalamigin ang "skirmish" sa pagitan ng dalawang bansa, dagdag pa ng pangulong Amerikano.
Ang dahilan kung bakit sinabi ni Trump na kulang sa "munisyon " ang Tsina ay "ipinapataw namin ang taripa sa 100 bilyong dolyares na panindang Tsino (sa totoo lang, 200 bilyong dolyares ang halaga) samantalang ipinapataw naman nila ang taripa sa 53.1 bilyong dolyares na produktong Amerikano." Pero, ang digmaang pangkalakalan ay hindi "laro ng numero" na tulad ng sabi ni Trump. May kaugnayan ito sa interes ng libu-libong bahay-kalakal at mamimili. Kaya, sa pagsasaalang-alang sa iba't ibang elemento na gaya ng interes ng mga mamamayan at kompanyang Tsino, at operasyon ng pandaigdigang industrial chain, isinagawa ng Tsina ang mga "qualitative" at "quantitative " na katugong hakbangin. Layon nitong itigil ang digmaan.
Ang pagiging makatwiran at pagtitimpi ng Tsina ay hindi nangangahulungan ng kawalan ng "munisyon." Bagkus, ang katatagan ng kabuhayan at malaking pamilihan ng Tsina ay nagsisilbing pinakamalakas na "munisyon" sa digmaang pangkalakalan.
Unang una, kaugnay ng katatagan ng kabuhayan ng Tsina, 12 kuwarter singkad na nananatiling mula 6.7% hanggang 6.9% ang paglaki ng ekonomiya ng bansa. Kasabay nito, sa kasalukuyan, ang paglaki ng kabuhayan ng Tsina ay nakasalalay sa pamimili, serbisyo, at pangangailangang panloob. Noon, umasa ito pangunahin na sa pagluluwas at pamumuhunan. Kaya, ayon sa pinakahuling ulat ng World Bank, nananatiling matatag at malakas ang pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina.
Pangalawa, isinasagawa ng Tsina ang bagong round ng pagbubukas sa labas. Pagpasok ng taong ito, inilunsad ng Tsina ang isang serye ng hakbangin na gaya ng pinakahuling edisyon ng Special Management Measures (Negative List) for the Access of Foreign Investment 2018, pagpapaginhawa ng pagpasok sa pamilihang Tsino, pagpapalakas ng pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR), pagpapalaki ng pag-aangkat, at iba pa. Bunga nito, idinagdag ng BMW ang 3 bilyong euro na puhunan sa Tsina. Magbubukas ang Tesla, kilalang kompanya ng sasakyan-de-motor ng kauna-unahang pabrika sa ibayong dagat sa Shanghai. Simula unang araw ng darating na Nobyembre, babawasan ng Tsina ang taripa sa 1,585 item. Makaraan ang nasabing pagsasaayos, ang panlahatang tariff rate ng Tsina ay bababa sa 7.5%, mula sa 9.8% noong taong 2017. Mahigit 150,000 mangangalakal mula sa 130 bansa't rehiyon ang nakatakdang lumahok sa Kauna-unahang China International Import Expo (CIIE) na gaganapin sa Shanghai sa susunod na Nobyembre.
Ayon sa ulat Oktubre 15 ng United Nations Conference on Trade and Development, noong unang hati ng taong ito, umabot sa 70 bilyong dolyares ang direktang puhunang dayuhan (FDI) sa Tsina, na nangunguna sa daigdig.
Kung titingnan ang pamahalaang Amerikano, masasabing siya ang nauubusan ng "munisyon" sa digmaang pangkalakalan sa Tsina nitong tatlong buwang nakalipas. Ayon sa pinakahuling datos, nitong nagdaang Setyembre, lumampas sa 34 bilyong dolyares ang trade deficit ng Amerika sa Tsina. Nakalikha ito ng bagong rekord. Ipinahayag kamakailan ng Ford Motor Company na nawalan ito ng isang bilyong dolyares dahil sa digmaang pangkalakalang inilunsad ng administrasyon ni Trump.
Walang nananalo sa digmaang pangkalakalan. Ayon sa tradisyonal na pilosopiya ng pakikipagnegosyo ng Tsina, ang tubo ay nanggagaling sa kapayapaan. Dahil dito, paulit-ulit na ipinahayag ng Tsina na ayaw nitong makipaglaban sa kalakalan sa Amerika. Kung talagang nais ni Trump na palamigin ang kasalukuyang alitang pangkalakalan ng dalawang bansa, katanggap-tanggap ito sa Tsina; kung ipagpapatuloy niya ang digmaan, ang katatagang pangkabuhayan at malaking pamilihan ng Tsina ay magsisilbing pinakamalakas na katugong "munisyon."
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |