Ipinahayag Huwebes, Oktubre 18, 2018 sa Beijing ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina na bilang isang responsableng bansa, maraming beses na inulit ng Tsina na hindi nito isasagawa ang kompetetibong pagpapababa ng halaga ng salapi, at hindi gagawing kasangkapan ang exchange rate ng RMB para harapin ang mga kaguluhang panlabas na gaya ng alitang pangkalakalan. Umaasa aniya ang panig Tsino na igagalang ng Estados Unidos ang kalakaran ng pamilihan at obdyektibong katotohanan, at huwag gawing isyung pulitikal ang isyu ng exchange rate,
Inilabas Miyerkules ng Kagawaran ng Tesorarya ng Amerika ang Semi-Annual Report to Congress on International Economic and Exchange Rate Policies, kung saan kinikilala nitong hindi minamanipula ng Tsina ang exchange rate. Ipinahayag din ng nasabing ulat na mahigpit na susubaybayan ng Amerika ang aksyon ng Tsina sa foreign exchange.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Lu na sa susunod na hakbang, buong tatag na palalalimin ng Tsina ang reporma sa pagsasapamilihan ng exchange rate, patuloy na kukumpletuhin ang managed floating exchange rate system na ang pundasyon ay suplay at pangangailangan ng pamilihan, at pananatilihin ang katatagan ng exchange rate ng RMB sa kabuuan sa isang makatwiran at may-balanseng lebel.
Salin: Vera