Zhanjiang, Lalawigang Fujian ng Tsina—Sinimulan Lunes, Oktubre 22, 2018 ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Maritime Exercise-2018.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, ipinahayag ni Lai Chung Han, Punong Komander ng Hukbong Pandagat ng Singapore, na ang Code for Unplanned Encounters at Sea (CUES) ay modelo ng pagpapalakas ng kooperasyon sa praktika, bagay na nagbawas ng panganib na dulot ng maling pagtasa. Aniya, ang kaukulang magkasanib na pagsasanay ng ASEAN at Tsina ay makakatulong sa pagpapalalim ng kooperasyon at pagtitiwalaan sa aspekto ng praktika.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Yuan Yubai, Komander ng Southern Theater Command ng People's Liberation Army (PLA) ng Tsina, na ang kasalukuyang pagsasanay ay mahalagang aksyon ng pagpapatupad ng mga komong palagay ng mga mataas na opisyal na pandepensa ng Tsina at ASEAN, pagpapalalim ng kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa seguridad na pandepensa, at pagpapahigpit ng pagtitiwalaan. Aniya, ang nasabing pagsasanay ay hindi lamang kauna-unahang magkasanib na pagsasanay-militar sa pagitan ng ASEAN at nag-iisang bansa, kundi kauna-unahan ding pagsasanay-pandagat ng hukbong Tsino at ASEAN; kaya napakahalaga ng katuturan nito.
Kabilang sa nilalaman ng kasalukuyang pagsasanay ay mga aktibidad sa puwerto, pagsasanay sa dagat, at paglagom sa karanasan ng pagsasanay. Mga makukulay na aktibidad na pangkultura at pampalakasan ang isasagawa rin ng iba't ibang panig sa panahon ng pagsasanay.
Salin: Vera