IBINASURA ng Makati Regional Trial Court Branch 150 ang petisyon ng Department of Justice na dakpin si Senador Antonio Trillanes sa usaping coup d'etat sanhi ng naganap na Oakwook Mutiny noong 2003, isang usaping pinawalang-saysay may pitong taon na ang nakararaan.
Sa Department of Justice, sinabi ng mga mamamahayag na nabalitaan na ni Acting Prosecutor General Richard Fadullon na tinanggihan ng hukuman ang kanilang kahilingang dakpin ang isa sa pinakamatinding kritiko ni Pangulong Duterte.
Ayon kay G. Fadullon, kinilala naman ng hukuman ang Proclamation 572 ni Pangulong Duterte na nagpawalang-saysay sa amnesty na iginawad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Idinagdag pa rin niyang hindi pa niya nababasa ang desisyon bagama't nasabihan na siya ng pinakahuling pangyayari sa sala ni Judge Andres Soriano.
Taliwas ang kautusan ni G. Soriano sa desisyon ni Judge Elmo Alameda ng Makati Regional Trial Court Branch 150 na nag-utos na dakpin ang senador sa kasong rebelyon sa naganap sa Manila Peninsula noong 2007 bagama't pinayagang makapaglagak ng piyansa.