NARARAPAT walang maganap na pagtatakip sa insidenteng naganap noong Sabado ng gabi sa Negros Occidental na ikinasawi ng siyam na magsasaka.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, nararapat matapos ang imbestigasyon at mapanagot ang mga may kagagawan ng pagpatay. Binaril na at sinunog pa ang mga magsasaka na tila nagpapahiwatig na walang karapatang magbungkal ng lupa ang mga magsasaka sa loob ng asyenda.
Hindi umano katanggap-tanggap ang pahayag ng pulisya na mga rebeldeng New People's Army ang may kagagawan ng krimen upang mapahiya ang pamahalaan. Ni wala umanong prueba ang paratang na ito, dagdag pa ng Bayan.
Ipinagtataka ng Bayan kung bakit wala sa talaan ng mga pinaghihinalaan ang mga haciendero at kanilang mga armadong grupo.
Naganap umano ang pagpatay samantalang pinaratangan ng pamahalaang labag sa batas ang pagbubungkal ng lupa sa loob ng asyenda. Ikinalungkot pa ng Bayan na kinikilala ng pamahalaan ang aktibismo at paglaban sa ngalan ng Karapatang Pangtao bilang paghahasik ng gulo sa lipunan.