NANINIWALA sina G. Daniel Edralin ng National Union of Workers in Hotel Restaurant and Allied Industries, dating LTFRB Chairman and LTO Assistant Secretary Engr. Alberto Suansing at Philippine Star columnist Wilson Lee Flores na malaking biyaya ang makakamtan ng Pilipinas mula sa sektor ng Turismo.
Bagaman, sinabi ni G. Flores na kailangang magkaroon ng maayos at makabagong paliparan sa bansa. Kailangan din umanong malinis ang kapaligiran ng paliparan sapagkat sa mga pook na ito nabubuo ang pananaw ng mga turisdta sa bansang kanilang dinadalaw.
Sa panig naman ni G. Edralin, binanggit niyang nagiging training ground ang kanilang mga bahay kalakal ng mga nagtutungo sa iba't ibang bahahi ng daigdig upang magtrabaho.
Malaki rin ang obligasyon ng pamahalaan at pribadong sektor na maayos ang transportasyon upang 'di masayang ang panahong gugugulin ng mga panauhin sa bansa, dagdag naman ni Engr. Suansing.
Ayon naman kay G. Flores, umabot na umano sa 900,000 ang mga turistang Tsino ang dumalaw sa bansa mula Enero hanggang Agosto ng taong ito. Bagaman, ikinalungkot niyang sa Thailand, sa 30 milyong turista, may 10 milyon ang mula sa Tsina.