|
||||||||
|
||
NAGBABALA na ang mga opisyal ng PAGASA sa napipintong panganib na dala ng malakas na bagyong "Rosita" sa hilagang Luzon. Itinaas na ang Storm Signal No. 3 sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino at sa hilagang bahagi ng Aurora na inaasahang makararanas ng hanging mula 121 hanggang 170 kilometro bawat oras sa loob ng 18 oras.
Kaninang ala-una ng hapon, ang mata ng bagyong "Rosita" ay nabatid na 355 kilometro sa silangan, hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora na may lakas ng hanging aabot sa 150 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 185 kilometro bawat oras samantalnag kumikilos sa direksyong kanluran, timog kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Sa karagatan, aabot sa 14 metro ang taas ng alon. Nagbabala rin ang mga autoridad sa posibilidad ng daluyong sa silangang bahagi ng Luzon. Pinayuhan ang mga naninirahan sa silangan at hilagang bahagi ng Luzon na lumayo sa mga ilog at maghanap ng mas ligtas na matitirhan sapagkat malaki ang posibilidad ng pagbaha at paguho ng lupa.
Pinayuhan din ang mga mangingisdang huwag na munang maglayag sapagkat mapanganib. Ang mga pinayuhan ay ang mga naninirahan sa mga pook na na sa ilalim ng storm signal warnings at maging mga taga Kabisayaan at Mindanao.
Inaasahang tatami ang bagyo sa pagitan ng Southern Isabela at Northern Aurora bukas ng umaga at daraan sa Aurora, Isabela, Quirino, Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet at La Union.
Makalalabas ito sa kalupaan ng Luzon bukas ng hapon samantalang makalalabas sa Philippine Area of Responsibility sa darating na Miyerkoles ng gabi.
Nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal Number 2 sa Cagayan, Abra, Kalingan, Ilocos Sur, Mountain Province, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Northern Quezon kasama na ang Polillo Island at maging sa Southern Aurora provinces. Inaasahan ang hanging mula 61 hanggang 120 kilometro sa susunod na 24 na oras.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Signal Number 1 sa Southern Quezon, Ilocos Norte, Apayao, Batanes at Babuyan Islands Group, Zambales, Rizal, Pampanga, Bulacan, Laguna, Batangas, Bataan, Cavite, Camarines Norte at Metro Manila na makararanas ng hanging mula 30 hanggang 60 kilometro bawat oras sa susunod na 36 na oras.
Si "Rosita" na may international name na "Yu Tu" ang ika-18 bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taong ito at ikalawang bagyong pumasok sa nasasakupan ng Pilipinas sa loob ng isang buwan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |