Ipinahayag Martes, Oktubre 30, 2018 ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Maritime Exercise-2018 ay lubos na nagpakita ng bagong lebel ng estratehikong kooperasyon ng Tsina at ASEAN. Aniya, magsisilbi itong bagong starting point ng magkasamang pagharap ng kapuwa panig sa mga bantang panseguridad, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Mula ika-22 hanggang ika-28 ng Oktubre, idinaos sa Zhanjiang, Lalawigang Guangdong ng Tsina, ang ASEAN-China Maritime Exercise-2018. Kalahok dito ang mahigit 1,200 opisyal at sundalo mula sa Tsina at 10 bansang ASEAN.
Tinukoy ni Lu na binigyan ng mataas na pagtasa ng iba't ibang kalahok na panig ang nasabing pagsasanay, at lipos sila ng pananabik sa pragmatikong kooperasyon sa hinaharap. Nakahanda ang Tsina, kasama ng iba't ibang bansang ASEAN, na pahigpitin ang pagtitiwalaan, palawakin ang pagtutulungan, at magkasamang pasulungin ang relasyong Sino-ASEAN sa bagong antas, dagdag ni Lu.
Salin: Vera