Upang palawigin ang kaalaman ng mga Pilipino hinggil sa entrepreneurship, financial literacy at pagpapalago ng negosyo idaraos ang Trabaho, Negosyo Kabuhayan (TNK) seminar sa Nobyembre 5, 2018 sa Liwayway Factory, Quingpo District, Shanghai.
Kabilang sa mga speakers ay sina Andoy Beltran, Business Development Head ng First Metro Securities Brokerage Corporation, Sherill Quintana, Member at Board of Trustees ng Philippine Franchise Association at si Director Senen M. Perlada, DTI Export Marketing Bureau.
Dadalo rin sa TNK workshop upang magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan hinggil sa oportunidad sa kalakalan, ekonomiya at paglikha ng sustanableng pagkakakitaan sina Secretary Ramon Lopez ng DTI, Ambassador Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, Glenn G. Peñaranda, Commercial Counselor, Philippine Trade and Investment Center Beijing at Dr. Francis Chan Chua, Chair Emeritus ng Philippine Chamber of Commerce and Industry Inc.
Ang TNK ay isang government blueprint na isinusulong ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) at Philippine Trade and Investment Center Shanghai. Hangad nitong isulong ang entrepreneurship upang makalikha ng mga trabaho, ipaunawa ang kahalagahan ng mabuting paghawak ng pera, padaliin ang pagkuha ng impormasyon at resources, at palawigin ang pagsali sa network, at ialok ang lahat ng mga serbisyo ng DTI upang makalikha ng matagumpay at matalinong Pinoy entrepreneur.
Ulat : Mac Ramos