|
||||||||
|
||
Sa sidelines ng kauna-unahang China International Import Expo (CIIE) na gaganapin sa Shanghai mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 10, 2018, idaraos ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) ang entrepreneurship seminar at business roundtable meeting. Layon nitong patingkarin ang paglahok ng Pilipinas sa pinakamalaking ekspong pangkalakalan ng daigdig.
Bilang nangungunang ahensya ng delegasyon ng Pilipinas sa CIIE, ang DTI, sa pamumuno ni Kalihim Ramon Lopez ay magpapasulong ng kalakalan ng bansa at pakikipag-ugnayang pang-negosyo sa Tsina.
Upang maisakatuparan ang nasabing layunin, idaraos ng DTI ang seminar na "Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK)" sa unang araw ng gaganaping CIIE. Layon nitong hikayating pumasok at magtayo ng sariling negosyo ang mga Pilipino na nakabase sa Shanghai at magkaloob ng tulong sa mga overseas Filipino investor (OFI) sa pagkuha ng impormasyon, network ng suppliers at resources.
Ayon sa Philippine Trade and Investment Center (PTIC) Shanghai, sa kasalukuyan, may mahigit 7,000 Pilipino na nagtatrabaho sa Shanghai at mga malapit na probinsya.
Kasabay nito, sa pamamagitan ng Board of Investments (BOI), magdaraos din ang DTI ng isang business roundtable meeting sa Nobyembre 6, 2018, kung saan si Kalihim Lopez ng DTI ay magpapakilala sa mga business leader na Tsino hinggil sa mga bentahe sa pagnenegosyo sa Pilipinas.
Ang nabanggit na TNK at business roundtable meeting, kasama ng business matching sa pagitan ng mga mangangalakal na Pilipino at Tsino, ay nasa magkakasamang pagtataguyod ng mga PTIC sa Shanghai, Beijing, at Guangzhou. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga networking opportunity na gaganapin sa CIIE.
National Exhibition and Convention Center ng Shanghai, main venue ng CIIE
Salin: Jade
Pulido: Rhio
PR courtesy PTIC-Beijing
Photo credit: IC/Xinhua
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |