Nagpulong kahapon, Biyernes, ika-30 ng Nobyembre 2018, sa Buenos Aires, Argentina, ang mga lider ng mga bansang BRICS na kinabibilangan ng Tsina, Timog Aprika, Brazil, Rusya, at Indya. Nagpalitan sila ng palagay hinggil sa kabuhayang pandaigdig, pagharap sa mga hamon, kooperasyon ng BRICS, at iba pang paksa.
Tinukoy sa pulong ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa kasalukuyan, lumilitaw ang mga elementong di-angkop sa komong interes ng komunidad ng daigdig, na gaya ng pagdami ng mga panganib sa kabuhayang pandaigdig, at pagsira sa multilateralismo at multilateral na sistema ng kalakalan. Nanawagan siya sa mga bansang BRICS, na palakasin ang pagkakaisa, pahigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan, at isabalikat ang mga responsiblidad, para pasulungin ang pagtahak sa tamang landas ng pandaigdig na pangangasiwa, at pangalagaan ang katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai