Isang proposal ang inilabas ng kapipinid na 2018 Imperial Springs International Forum (ISIF). Nanawagan ang proposal na sinang-ayunan ng higit 200 delegado sa pagpapasulong ng inklusibong pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig para maisakatuparan ang komong kasaganaan.
Anang proposal, sapul nang itatag ang ISIF noong 2014, nagsisilbi itong mahalagang plataporma ng diyalogo sa pagitan ng iba't ibang bansa. Sa proposal, kinilala ng mga kalahok ang mahalagang katuturan ng pagharap ng Tsina ng Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kaunlaran, at ang walang-humpay na pagsisikap ng Tsina para sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa nito ang reporma't pagbubukas sa labas. Nakasaad din sa proposal ang desisyon ng mga kalahok na mabisang ipatupad ang UN 2030 Agenda for Sustainable Development.
Binuksan nitong Lunes, ang 2018 Imperial Springs International Forum sa Guangzhou, punong lunsod ng Guangdong sa dakong timog ng Tsina. Ang tema ng dalawang araw na porum ay Pagpapasulong ng Reporma't Pagbubukas, at Pagsasagawa ng Win-win na Kooperasyon. Lumahok dito ang mahigit 200 dating puno ng estado at ng pamahalaan, mga kinatawan ng mga pandaigdig na organisasyon, dalubhasa, at business leader mula sa iba't ibang bansa.
Ang ISIF ay magkasamang itinatag ng Chinese People's Association for Friendship with Foreign Countries (CPAFFC) at Australia-China Friendship and Exchange Association (ACFEA), noong 2014.
Salin: Jade
Pulido: Mac