Ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng Tsina ng reporma't pagbubukas sa labas. Nitong 40 taong nakalipas, aabot sa 700 milyong mahihirap na mamamayang Tsino sa kanayunan ang nakahulagpos sa karalitaan. Sa taong 2020, inaasahang maiibsan ang kahirapan ng lahat ng natitirang 30 milyong mahirap na mamamayang Tsino.
Ito ang ipinahayag ni Liu Yongfu, Direktor ng Tanggapan ng Namumunong Grupo sa Pagpapahupa ng Kahirapan at Pagpapaunlad ng Konseho ng Estado, gabinete ng Tsina, sa preskon nitong Huwebes, Disyembre 13.
Saad ni Liu, upang matulungan ang natitirang 30 milyong mahihirap na mamamayang Tsino, tulad ng dati, hihikayatin ng bansa ang mga kayang magtrabaho na maghanap-buhay, sa pamamagitan ng iba't ibang hakbangin. Samantala, tutulungan iyong mga walang kakayahang magtrabaho na ibsan ang kahirapan, sa pamamagitan ng social security system.
Dagdag pa ni Liu, mananatiling bukas ang Tsina para matutunan ang mga karanasan ng ibang bansa sa pagpapahupa ng karalitaan, at magsagawa ng mga kooperatibong proyekto sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Aprika, Latin-America at ibang mga umuunlad bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac