Ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na walang bansang Aprikano ang nakaranas ng kahirapang pang-utang dahil sa pakikipagtulungan sa Tsina. Kinakatigan ng Tsina ang mga bansang Aprikano sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, batay sa prinsipyo ng katapatan, tunay na bunga, katarungan at pinagbabahaginang kapakinabangan, diin ni Hua.
Ito ang winika ni Hua sa regular na preskon nitong Miyerkules, Disyembre 19, sa Beijing, bilang tugon sa pananalita ni Jean-Claude Juncker, Presidente ng European Commission. Sa preskon ng High-Level Forum Africa-Europe nitong Martes, sinabi ni Juncker na sa maraming kaso, ang tulong ng Tsina ay nauwi sa pagtaas ng utang ng mga bansang Aprikano, at hindi nakikita ang ganitong situwasyon sa pagtutulungang Aprikano-Europeo.
Dagdag ni Hua, ang isyu ng utang ng mga bansang Aprikano ay bunga ng di-makatwirang kaayusang pangkabuhayan ng daigdig. Malinaw ito at malinaw din kung sinu-sino ang mga pangunahing pinagkakautangan ng mga bansang Aprikano, at hindi ito ang Tsina, saad ni Hua.
Salin: Jade
Pulido: Mac