Nitong Lunes, Enero 7, 2019, ipinahayag ni Ning Jizhe, Pangalawang Direktor ng Pambansang Komisyon ng Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na sa Central Economic Work Conference na ginanap noong katapusan ng nagdaang Disyembre, natiyak ang pangkalahatang kahilingan, patakaran, at pangunahing tungkulin ng gawaing pangkabuhayan sa kasalukuyang taon, at nagawa ang mga kongkretong pagsasaayos. Aniya, dapat mabuting isakatuparan ang diwa ng nasabing pulong at patingkarin ang isinasaayos na papel ng macro-policy para maigarantiya ang maayos na pagtakbo ng kabuhayan sa makatwirang lebel.
Tungkol sa konsumo, sinabi ni Ning na dapat i-angkop ng bansa ang pangkalahatang tunguhin ng pag-u-upgrade ng konsumo ng mga mamamayan para ibayo pang mapatingkad ng konsumo ang pundamental na papel nito sa pag-unlad ng kabuhayan.
Kaugnay ng pamumuhunan, sinabi niya na sa kasalukuyang yugto ng pag-unlad ng Tsina, napakalaki pa rin ng potensyal sa pangangailangan ng pamumuhunan. Ang susi rito aniya ay pagtiyak sa mga larangan at proyekto.
Kaugnay naman ng pagbubukas sa labas, sinabi niya na ayon sa kahilingan ng aktibong pagpapasulong ng pagbubukas sa labas sa mataas na lebel, komprehensibong kokompletuhin ang kapaligiran ng paggamit ng pondong dayuhan. Bukod dito, pasusulungin ng bansa ang pagsasakatuparan ng malalaking proyekto kung saan ginagamit ang pondong dayuhan, aniya pa.
Salin: Li Feng