Sinabi kamakailan ni Maimunah Binti Mohd Sharif, Punong Tagapagpaganap ng United Nations (UN) Human Settlements Program (UNHSP), na nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa ang reporma at pagbubukas sa labas, naranasan ng Tsina ang pinakamalawak na proseso ng urbanisasyon sa kasaysayan ng sangkatauhan. Aniya, ang mabilis na urbanisasyon ay nagdudulot ng napakalaking pagbabago sa pamumuhay ng mga mamamayan ng bansang ito.
Sinabi ni Sharif na ang mabilis na pagsulong ng urbanisasyong Tsino ay nakakapagpasulong sa napakalaking pag-unlad ng kabuhayan at lipunan nito. Ang mga pagbabagong dulot nito ay nag-iiwan ng malalim na impresyon, dagdag niya.
Sa kabila ng mga lumulitaw na hamon sa proseso ng urbanisasyon, kasalukuyang isinasagawa ng pamahalaang Tsino ang isang serye ng hakbangin para mapabuti ang imprastruktura, kapaligiran, at kondisyon ng pamumuhay sa mga lunsod at bayan para makinabang dito ang mas maraming mamamayan.
Salin: Li Feng