Ipinahayag ng Tsina ang buong-tatag na suporta sa multilateral na sistemang pangkalakalan batay sa alituntunin, kung saan ang World Trade Organization (WTO) ay gumaganap ng nukleong papel.
Winika ito ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas sa kanyang pakikipag-usap kay Philippe Etienne, Tagapayo ng Pangulong Pranses sa mga Suliraning Panlabas, sa ika-18 konsultasyon ng mga tagapagkoordina para sa China-France Strategic Dialogue (CFSD), sa Paris, nitong Huwebes, Enero 24.
Ipinahayag din ni Wang ang pagkatig ng Tsina sa reporma sa WTO. Diin ni Wang, sa proseso ng reporma, kailangang protektahan ang nukleong paninindigan at mga saligang prinsipyo ng WTO, at manangan sa liberalisasyong pangkalakalan. Bukod dito, kailangan din aniyang pangalagaan ang interes ng mga umuunlad na bansa at igiit ang prinsipyo ng pagkakasundo sa pamamagitan ng pagsasanggunian.
Salin: Jade
Pulido: Mac