Ipinahayag ngayong araw, Pebrero 27 ng pamahalaang Tsino ang mainit na pagtanggap at pagkatig sa pagpapahigpit ng pagpapalitan at pagtutulungan ng mga lunsod sa magkabilang pampang ng Taiwan Strait, sa iba't ibang porma, batay sa komong palagay na narating noong 1992.
Sa regular na preskon ng Tanggapan ng mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado, gabinete ng Tsina, sinabi ni An Fengshan, Tagapagsalita ng nasabing tanggapan na hanggang sa kasalukuyan, aabot sa 72 pamahalaang lokal sa mainland ng Tsina ang nagpalabas ng mga konkretong hakbangin para ipatupad ang 31 hakbang na layong magdulot ng benepisyo para sa mga kababayang Taiwanes. Noong Pebrero 28, 2018, inilunsad ng pamahalaang Tsino ang nasabing 31 hakbang.
Bunga nito, mahigit 2000 bahay-kalakal na Taiwanes ang nagtamasa ng preperensyal na buwis, at mahigit 100 kompanyang Taiwanes ang tumanggap ng suportang pinansyal mula sa pamahalaang Tsino. Kasabay nito, mahigit 800 kababayang Taiwanes ang nakakuha ng kuwalipikasyong propesyonal sa iba't ibang sektor, at mahigit sandaang kababayang Taiwanes ang ginawaran ng iba' t ibang gantimpala.
Salin: Jade
Pulido: Rhio