Ang taong ito ay ika-40 anibersaryo ng pagpapalabas ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina ng "Mensahe sa mga Kababayan sa Taiwan." Hinggil dito, idinaos Enero 2, 2019 sa Beijing, ang pulong bilang pagdiriwang sa anibersaryong ito. Dumalo at nagtalumpati rin si Pangulong Xi Jinping ng Tsina at nagpahayag ng pagbati sa mga mamamayan ng Taiwan.
Binigyan-diin niyang hindi puwedeng magbago ang kasaysayan, pero, ang kasalukuyan ay nasa kamay ng mga mamamayan, at ang hinaharap ay maaaring likhain. Aniya, sa bagong panahon, dapat magkaroon ng malaking pag-unlad ang Tsina, at dapat matamo ng mga mamamayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits ang malaking progreso. Pero, aniya, ang landas ng pag-ahon ay puno ng balakid, pero, kung magkakasamang magsisikap ang lahat, tiyak na malilikha ang magandang hinaharap para sa Nasyong Tsino at maisasakatuparan ang reunipikasyon ng bansa.
Ani Xi, mula noong 1949 sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina, ang paglutas sa isyu ng Taiwan ay palaging tungkuling pangkasaysayan ng Partido Kumunista ng Tsina (CPC), pamahalaan at mga mamamayang Tsino. Aniya, ang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits nitong 70 taong nakalipas ay patunay ng katotohanang may batayang pangkasaysayan, na ang Taiwan ay lehistimong bahagi ng Tsina, at ang magkabilang pampang ng Taiwan Straits ay pawang kabilang sa Isang Tsina. Hindi mababago ng anumang puwersa ang katotohanang ito.
Ipinahayag ni Xi na ang Tsina ay dapat at tiyak na maging unipikado. Iniharap niyang ang pagkakaiba ng mga sistema ay hindi hadlang sa unipikasyon, at hindi rin katuwiran sa pagsasarili ng Taiwan. Tinukoy ni Xi na dapat palalimin ang magkasamang pag-unlad ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits, at pahigpitin ang batayan ng mapayapang unipikasyon.
Salin:Lele