Ayon sa Government Work Report na isinumite Martes, Marso 5, 2019 ng pamahalaang Tsino sa Pambansang Kongresong Bayan (NPC), kataas-taasang organong pangkapangyarihan ng Tsina, ang mga pangunahing indeks ng pag-unlad ng kabuhaya't lipunan sa kasalukuyang taon ay kinabibilangan ng: 6% hanggang 6.5% ang paglaki ng Gross Domestic Product (GDP), mahigit 11 milyon ang bagong karagdagang hanap-buhay sa mga lunsod at nayon, humigit-kumulang 3% ang pagtaas ng Consumer Price Index (CPI), mahigit 10 milyon ang mga mai-aahong mamamayan sa kanayunan mula sa kahirapan, mga 3% ang pagbaba ng energy consumption per GDP unit at iba pa.
Ang nasabing mga inaasahang target na itinakda ng pamahalaang Tsino ay hindi lamang angkop sa aktuwal na kalagayan, kundi makakabuti rin sa pagsasakatuparan ng de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan.
Upang maisakatuparan ang naturang mga target, ginagawang pokus ng pamahalaang Tsino sa kasalukuyang taon ang mga gawain sa 10 aspekto, na kinabibilangan ng patuloy na pagkukumpleto ng makro-kontrol, pagpapabuti ng kapaligirang komersiyal, paggigiit sa pamumuno ng inobasyon sa kaunlaran, pagpapasulong sa pagbuo ng malakas na pamilihang panloob, matibay na pagpapasulong sa pagpawi sa kahirapan at pagpapasigla ng mga nayon, pagpapasulong sa koordinadong pag-unlad ng mga rehiyon, pagpapalakas ng pagpigil at pagsasaayos sa polusyon at konstruksyong ekolohikal, pagpapalalim ng reporma sa mga pangunahing larangan, pagpapasulong sa komprehensibong pagbubukas sa labas, pagpapabilis ng pag-unlad ng mga usaping panlipunan at iba pa.
Ang kasalukuyang taon ay ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina. Kahit lipos ng mga di-tiyak na elemento sa kapaligirang panlabas, nasa mahalagang panahong may estratehikong pagkakataon ang pag-unlad ng Tsina. Kasabay ng pagpapalabas ng mga patakaran at estratehiya ng pamahalaang Tsino sa taong ito, pabubutihin ng bansa ang iba't ibang gawain, papanaigan ang lahat ng mga panganib at hamon, at masigasig na lilikhain ang mas magandang kinabukasan.
Salin: Vera