|
||||||||
|
||
Boao, Lalawigang Hainan ng Tsina—"Nitong nakalipas na 70 taon sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina, napatunayan nito sa daigdig na hindi lamang iisa ang landas ng pag-unlad.
Noong nakaraan, ipinalalagay ng nakararami, na ang kapitalismo ng mga bansang kanluranin ay ang tanging paraan para maisakatuparan ang kaunlaran, pero hinanap ng Tsina ang bagong landas ng pag-unlad.
Pinatutunayan nito sa daigdig na maaaring magkaroon ng sariling landas ng pag-unlad ang bawat bansa, batay sa kani-kanilang karanasang historikal at aktuwal na kalagayan."
Ito ang winika nitong Martes, Marso 26, 2019, ni Dr. Gloria Macapacal-Arroyo, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas, sa porum na "70 and 40 Years in Retrospect: China in a New Era," sa sidelines ng taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA) sa 2019.
Dagdag ni Arroyo, sanhi ng 40 taong reporma at pagbubukas, ang paglago ng kabuhayang Tsino ay nangunguna sa daigdig, at matagumpay nitong nai-ahon mula sa kahirapan ang 800 milyong mamamayan.
Ang Tsina ngayon ay ang ikalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, at ito ay bunga ng repoma at pagbubukas, aniya.
Diin niya, ang Tsina ay hindi lamang pamilihan para sa mga umuunlad na bansa, kundi donor at kapital din ng teknolohiya.
Hinggil sa bagong pandaigdigang kaayusang pangkabuhayan, sinabi ni Arroyo na noong nakaraan, pinangunahan ng Estados Unidos ang globalisasyon at malayang kalakalan sa daigdig, pero dahil sa Trump style policy na tumatahak sa landas ng proteksyonimo at isolasyonismo, ang Tsina ang siya na ngayong namumuno sa globalisasyon at pagbubukas.
Sang-ayon si Arroyo sa pananaw, na ang pag-ahon ng Tsina ay pagkakataon, at hindi banta sa seguridad ng daigdig.
Pinag-aaralan aniya ng mga tagapag-analisa ang globalisasyong pinangungunahan ng mga bansang silangangin, sa halip ng mga bansang kanluranin.
Samantala, ang Belt and Road Initiative naman aniya ay itinuturing na "globalisasyon 2.0."
Ang lahat ng mga ito ay hamong kinakaharap ng Tsina bilang isang may impluwensiyang bansa sa daigdig, ani Arroyo.
Ulat: Vera
Photographer: Vera
Web Editor: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |