Nitong Huwebes, Abril 4 (local time), 2019, sa kanyang pakikipagtagpo sa White House kay Liu He, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng Grupong Tsino sa China-US Economic Talks, ipinahayag ni US President Donald Trump ang pag-asang magkakaroon ang economic at trade team ng dalawang panig ng isang komprehensibo't historikal na kasunduan sa lalong madaling panahon. Ito aniya ay hindi lamang nakakabuti sa Amerika at Tsina, kundi nakakabuti rin sa buong daigdig. Nang sagutin niya ang tanong ng mamamahayag ng China Media Group (CMG) tungkol sa "Global Responsibility," pinapurihan ni Trump ang kasabihang ito. Aniya, talagang may responsibilidad ang Amerika at Tsina sa buong daigdig.
Nauna rito, ipinagdiinan sa maraming okasyon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na may komong mahalagang responsibilidad ang Tsina at Amerika sa aspekto ng pagpapasulong ng kapayapaan at kasaganaang pandaigdig. Sa liham ni Pangulong Xi na ipinaabot ni Liu kay Trump, ipinahayag ni Xi na sa kasalukuyang kalagayan, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay may kaugnayan hindi lamang sa kapakanan ng mga mamamayang Tsino at Amerikano, kundi maging sa kapakanan ng mga mamamayan ng iba't-ibang bansa. Kailangan aniyang patingkarin ng dalawang panig ang estratehikong kakayahan ng pamumuno. Sa aspektong ito, ang nagawang atityud ni Trump sa "Global Responsibility" ay positibong reaksyon sa kaukulang pahayag ni Pangulong Xi Jinping.
Sa katotohanan, sa kasalukuyang kalagayan sa daigdig, bilang dalawang malaking bansang may napakalaking impluwensiya sa buong mundo, inaasahan ng daigdig na maisasabalikat ng Tsina at Amerika ang tatlong malaking "Global Responsibility" na kinabibilangan ng responsibilidad ng pag-unlad, responsibilidad ng kapayapaan, at responsibilidad ng pagsasaayos.
Ipinalalagay ni Nicolas Platt, dating diplomatang Amerikano, na dapat makipamuhayan at magtulungan nang mabuti ang Tsina at Amerika, at walang ibang opsyon hinggil dito.
Salin: Li Feng