Sinimulan ngayong araw, Huwebes, ika-25 ng Abril 2019, sa Beijing ang Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation. Kalahok sa porum ang halos 5 libong kinatawan mula sa mahigit 150 bansa at 90 organisasyong pandaigdig. Ang porum na ito ay naglalayong pasulungin ang kooperasyong may mataas na kalidad sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI).
Sapul nang iharap noong 2013 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang BRI, lalung-lalo na pagkaraang idaos noong 2017 ang unang Belt and Road Forum for International Cooperation, parami nang paraming bansa at organisasyong pandaigdig ay lumahok sa kooperasyon ng BRI, isinasagawa ang mga proyektong pangkooperasyon sa iba't ibang lugar ng daigdig, at natamo ng inisyatibang ito ang kapansin-pansing bunga sa iba't ibang aspekto.
Ang puspusang pagpapasulong ng panig opisyal ng Tsina at aktibong paglahok ng pribadong sektor ng bansa ay lakas na tagapagpasulong sa mabilis na pag-unlad ng BRI. Samantala, mahalaga rin ang pagkilala at paglahok dito ng komunidad ng daigdig. Nitong mahigit 5 taong nakalipas, aktibong lumalahok sa BRI ang parami nang paraming bansa at organisasyong pandaigdig, at kinikilala ng komunidad ng daigdig ang inisyatibang ito bilang bagay para sa bukas, inklusibo, at komong pag-unlad, sa halip na "exclusionary bloc."
Kamakailan, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa pamamagitan ng kasalukuyang porum, umaasa ang Tsina, kasama ng iba't ibang bansa, na itatatag ang mas malawak na pagkakatuwang, magkakaloob ng mas malakas na sigla sa kabuhayang pandaigdig, magbubukas ng mas malawak na espasyo para sa pag-unlad ng iba't ibang bansa, at magbibigay ng bagong ambag sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Sa hinaharap, patuloy na ilalatag ng BRI para sa iba't ibang bansa ang landas ng kapayapaan, kasaganaan, pagbubukas, berdeng pag-unlad, inobasyon, sibilisasyon, at malinis na pamamahala. Pasusulungin din nito ang globalisasyong pangkabuhayan, upang ito ay maging mas bukas, inklusibo, balanse, at makakabuti sa lahat.
Salin: Liu Kai