|
||||||||
|
||
Idinaos ngayong araw, Abril 30 sa Beijing ang seremonya bilang paggunita sa ika-100 anibersaryo ng pagkakaganap ng May Fourth Movement ng Tsina.
Sa kanyang talumpati sa seremonya, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang May Fourth Movement ay isang makabayang kilusan at rebolusyong ginawa ng mga mamamayang Tsino para sa paghulagpos ng bansa sa pagkalupig, pagtatanggol sa karangalan ng nasyon, at pagsama-sama ng lakas ng mga mamamayan.
Ipinagdiinan ni Xi na bilang makasaysayang pangyayari sa kontemporaryong Tsina, ang nasabing kilusan ay muhon sa proseso ng pagsubok at pagpupursige ng nasyong Tsino para sa kasarinlan at pag-unlad.
Saad ni Xi, ang mga kabataan ay palaging nananatiling nangungunang lakas para sa pag-ahon ng nasyong Tsino. Hiniling niya sa mga kabataang Tsino na magkaroon ng matayog na hangaring isakatuparan, kasama ng mga kababayang Tsino, ang dakilang pag-ahon ng nasyong Tsino. Diin ni Xi, ang pagbubukod sa pangangailangan ng inang-bayan at kapakanan ng mga mamamayan ay mauuwi lamang sa makitid na pagpapahalaga sa sariling interes.
Aniya, ang pag-ahon ng nasyong Tsino ay tungkulin ng mga kabataan. Hiniling niya sa mga kabataang Tsino na mangahas na isabalikat ang mabibigat na tungkulin, lampasan ang iba't ibang pagsubok at maging malakas sa prosesong ito. Umaasa aniya rin siyang magniningning ang mga kabataan sa reporma at pagbubukas sa labas ng bansa sa bagong panahon.
Hinimok din ni Xi ang iba't ibang panig ng bansa na maging matalik na kaibigan ng mga kabataan at tulungan silang lutasin ang mga isyu kaugnay ng hanap-buhay, kasal, pagsisimula ng negosyo, pakikisalamuha sa lipunan, pag-aalaga sa mga magulang, edukasyon para sa mga anak. Hiniling din ni Xi sa lipunan na gabayan ang mga kabataan sa pagkakaroon ng tumpak na pag-alam hinggil sa daigdig at pambansang kalagayan. Kailangan din aniyang hikayatin ang mga kabataan na magtrabaho at magsanay sa mahihirap na lugar at maraming hamong pinagtatrabahuhan para tagumpayan ang mga pagsubok. Hiniling din niya sa iba't ibang sektor na hayaan ang mga kabataan na ipakita ang kanilang talento at lutasin ang mga problema sa mahahalagang puwesto at larangan.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |