Ang Italian singer na si Andrea Bocelli ay kinikilalang isa sa apat na pinakamagaling na tenor sa daigdig. Sa Asian Culture Carnival na gaganapin mamayang gabi, Mayo 15, 2019, kakanta siya ng "Nessun Dorma," klasikal na aria sa operang "Turandot."
Maraming beses nang bumisita sa Tsina si Bocelli. Noong 2004, ginanap sa Great Hall of the People sa Beijing ang kanyang solong konsyerto. Noong 2010, nagtanghal siya sa seremonya ng pagbubukas ng Shanghai World Expo. At noong 2011 naman, idinaos sa National Stadium ng Tsina ang Asia tour concert niya.
Nang kapanayamin ng mamamahayag ng China Media Group, sinabi ni Bocelli na napakahalaga ng katayuan ng "Nessun Dorma" sa opera ng daigdig. Aniya, maraming beses na siyang kumanta ng "Nessun Dorma" sa Tsina, at napakainit lagi ng reaksyon ng mga manonood na Tsino.
Dagdag niya, buong lugod niyang nakitang lumalalim nang lumalalim ang pagpapalitan ng Tsina at Italya sa larangan ng kultura at musika, at buong pananabik niyang inaasahan ang mas maraming kooperasyon sa mga musikerong Tsino. Sa pananaw niya, ang musika ay makakapagpasulong sa pag-uunawaan ng magkakaibang kultura, at ang pag-uunawaan ay pundasyon ng kapayapaan, katatagan at harmonya ng daigdig.
Salin: Vera