|
||||||||
|
||
Pagkatapos ng pagpapataw ng ban sa pagluluwas ng Huawei Technologies Co. Ltd, pinuntirya naman kamakailan ng panig Amerikano ang drone na gawa ng DJ-Innovations (DJI), isang kompanyang nakabase sa Shenzhen ng Tsina, at sinabing may cyber-espionage risk ang ganitong drone. Nagbabala rin ang Amerika na sa darating na ilang linggo, mapagpapasiyahan kung ilalakip o hindi sa black list ang Hikvision, isang surveillance technology company ng Tsina, at hahadlangan itong bumili ng teknolohiya mula sa mga kompanyang Amerikano. Nauna rito, humiling ang iilang pulitikong Amerikano na ilunsad ang imbestigasyon sa pagwawagi ng CRRC Changchun Railway Vehicles Co., Ltd. ng bidding sa pagdidisenyo ng bagong subway ng New York City, dahil posible itong magsapanganib sa pambansang katiwasayan ng Amerika.
Bilang siyang tanging super power sa daigdig, kahit namumukod ang Amerika sa aspekto ng siyensiya't teknolohiya, militar, at kabuhayan, napakakitid ng isip ng ilang pulitikong Amerikano. Hindi sila pumapayag sa normal na pag-unlad ng ibang bansa, maging sa pagiging mas magaling ng ibang bansa sa ilang larangan.
Bilang mga namumukod na kinatawan ng industriya ng pagyari ng Tsina, kinikilala ng pamilihang pandaigdig ang mga kompanyang Tsino na gaya ng Huawei, DJI, CRRC at Hikvision, dahil sa de-kalidad na produkto, teknolohiya at magkatwirang presyo nila, at ang seguridad nila ay nakapasa rin sa mahigpit na pagsusuri ng maraming bansa na kinabibilangan ng Amerika.
Sa kasalukuyan, nagmamalabis ang mga pulitikong Amerikano sa puwersang pampamahalaan at ginigipit ang Tsina, sa pamamagitan ng paglikha ng paratang. Layon nitong pigilan ang pangkalahatang progreso ng siyensiya't teknolohiya ng Tsina, at pangalagaan ang hegemonikong katayuan ng Amerika. Ito rin ay maximum pressure sa Tsina, sa ilalim ng kalagayan ng pag-a-upgrade ng trade war. Ang ganitong aksyon ng Amerika ay magbubunsod ng malubhang kapinsalaan sa paglago ng kabuhayang pandaigdig, progreso ng siyensiya't teknolohiya at bunga ng sibilisasyon ng sangkatauhan.
Para sa mga kompanyang Tsino na nakaranas ng pagtaas-baba ng pamilihang pandaigdig, ang bagong round ng technology bullying ng Amerika ay isa pang hamon at pagsubok. Tinayang may ilang epekto at impact sa kanila sa maikling panahon, pero tiyak na malalabanan nila ang panggigipit ng Amerika sa pagkakataon at lakas-panulak para sa pagsasarili sa aspekto ng siyensiya't teknolohiya.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |