Sinabi ng panig Amerikano, na dahil ipinataw ang karagdagang taripa sa mga panindang Tsino na iniluluwas sa Amerika, aalis ng Tsina ang mga kompanyang dayuhan. Totoo ba ito?
Sa kasalukuyan, pinasusulong ng Tsina ang de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan, at tumataas ang posisyon ng bansa sa global industrial chain at value chain. Umaalis ng Tsina ang ilang sektor ng manupaktura sa katamtaman at mababang antas na gaya ng paghahabi, paggawa ng damit, sombrero, sapatos, at iba pa. Ito ay angkop sa batas ng pandaigdigang paglilipat ng industriya, at kalagayan ng market economy. At wala itong kinalaman sa hakbangin ng taripa ng Amerika.
Samantala, ipinakikita rin ng mga survey na maganda ang prospek ng pag-aakit ng Tsina sa pamumuhunang dayuhan. Halimbawa, ayon sa ulat ng Japan External Trade Organization, sa mga listahan ng estratehiya ng mga kompanyang Hapones para sa pagluluwas, pamumuhunan, at cross-border e-commerce, pawang nasa unang puwesto ang Tsina. Ayon naman sa pinakahuling survey ng American Chamber of Commerce in China, ipinahayag ng 98% ng mga kinapanayam na kompanyang Amerikano ang kahandaang patuloy na magkaroon ng negosyo sa Tsina. Maganda rin ang estadistika hinggil sa pamumuhunang dayuhan sa Tsina. Ayon dito, noong unang 4 na buwan ng taong ito, lumaki ng 6.4% ang halaga ng aktuwal na ginagamit na puhunang dayuhan ng Tsina, kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon, at lumaki rin ng 24.3% ang halaga ng pamumuhunang Amerikano sa Tsina.
Bakit hindi pinaalis ng "tariff threat" ng pamahalaang Amerikano ang mga kompanyang dayuhan sa Tsina? Ang mga pangunahing dahilan ay: malaking bilang ng mga bihasang yamang tao sa Tsina, napakalaking pamilihang Tsino, at mga isinasagawang hakbangin ng pamahalaang Tsino para sa pagpapalawak ng pagbubukas sa labas. Kung magkakaroon ng malaking tubo sa Tsina, bakit aalis ang mga kompanyang dayuhan dahil lamang sa "tariff threat" ng panig Amerikano?
Salin: Liu Kai