Ipinahayag Huwebes, Hunyo 13, 2019 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa panahon ng kanyang termino bilang pangulong Amerikano at pagkatapos ng kanyang tungkulin, patuloy na nagpupunyagi si Ginoong Jimmy Carter para mapasulong ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, at ito ay hinangaan ng panig Tsino. Umaasa aniya siyang mataimtim na pakikinggan ng kasalukuyang pamahalaang Amerikano ang makatarungan at pragmatikong pananaw, at hindi papayagang mahadlangan ng pagkakaiba ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan ng kapuwa panig.
Ayon sa ulat, ginawaran Miyerkules ng George H. W. Bush Foundation for US-China Relations ng kauna-unahang George H. W. Bush Award for Statesmanship in US-China Relations si dating Pangulong Jimmy Carter ng Amerika. Layon ng nasabing gantimpala na papurihan ang mga personaheng gumawa ng mahalagang ambag para sa pagpapaunlad ng konstruktibong relasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Amerika.
Salin: Vera