Nagtagpo ngayong araw, Biyernes, ika-21 ng Hunyo 2019, sa Kumsusan Guesthouse, Pyongyang, Hilagang Korea, sina Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at Pangulo ng bansa, at Kim Jong Un, Tagapangulo ng Workers' Party of Korea at Tagapangulo ng State Affairs Commission ng Hilagang Korea.
Sinabi ni Xi, na matagumpay ang kanyang biyaheng ito sa H.Korea. Aniya, sa pamamagitan nito, napatatag ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at H.Korea, itinakda ang direksyon ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa sa bagong panahon, at ipinakita ang mithiin ng kapwa panig sa pagpapasulong sa pulitikal na paglutas ng isyu ng Korean Peninsula at pagsasakatuparan ng pangmatagalang katiwasayan at katahimikan sa rehiyong ito.
Umaasa aniya si Xi, na magkasamang magsisikap ang Tsina at H.Korea, para isakatuparan ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Ipinahayag din niya ang pagkatig sa H.Korea sa mga suliraning panloob at panlabas.
Ipinahayag naman ni Kim ang pasasalamat sa Tsina para sa mga tulong nito sa H.Korea. Nakahanda aniya siya, kasama ni Xi, na ipagpatuloy at paunlarin ang relasyong pangkaibigan ng H.Korea at Tsina, at lumikha ng mas magandang kinabukasan ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Kasama sa pagtatagpo sina First Lady Peng Liyuan ng Tsina at First Lady Ri Sol Ju ng H.Korea.
Bago ang pagtatagpo, naglakad-lakad din sila sa hardin ng Guesthouse.
Salin: Liu Kai