Sinabi kahapon, Miyerkules, ika-26 ng Hunyo 2019, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, na nitong ilang araw na nakalipas, nagpalitan ng palagay ang panig Amerikano at Tsino hinggil sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan, at posibleng marating ng dalawang panig ang kasunduan sa panahon ng Osaka G20 Summit. Sinabi rin niyang, kung hindi mararating ang kasunduan, daragdagan pa ng panig Amerikano ang taripa sa mga panindang Tsino.
Kaugnay nito, sinabi ngayong araw ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hindi natatakot ang mga mamamayang Tsino sa ganitong banta ng panig Amerikano.
Dagdag ni Geng, pinaninindigan ng panig Tsino na lutasin ang alitang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, at samantala, buong tatag ding ipinagtatanggol ng panig Tsino ang sariling mga lehitimong kapakanan.
Salin: Liu Kai