Ipinahayag Lunes, Hulyo 1, 2019 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagpapabuti ng relasyong Sino-Amerikano ay hindi lamang komong hangarin at mithiin ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi unibersal ding pananabik ng komunidad ng daigdig.
Ayon sa ulat, binabalak ng halos 80 dalubhasang Amerikano sa isyu ng Asya na magkakasanib na ipadala ang hayagang liham kay Pangulong Donald Trump at sa Kongreso ng Amerika hinggil sa usaping ito. Ipinalalagay nilang pinapasidhi ng maraming aksyon ng Amerika ang kalagayan ng relasyong Sino-Amerikano. Anila, ang mga aksyong ito ay hindi lamang nakakapinsala sa imahe at reputasyon ng Amerika sa daigdig, kundi nakakasira rin sa kapakanang pangkabuhayan ng lahat ng mga bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng na sa katatapos na pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Amerika sa panahon ng G20 Summit sa Osaka, sinang-ayunan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika na patuloy na pasulungin ang relasyong Sino-Amerikano, batay sa koordinasyon, kooperasyon, at katatagan. Aniya, kung palalawakin ng kapuwa panig ang kooperasyon, batay sa mutuwal na kapakinabangan, kokontrolin ang mga alitan batay sa paggagalangan, at maayos na reresolbahin ang iba't ibang problema ng relasyon ng dalawang bansa, saka lamang mapapasulong ang matatag at pangmalayuang pag-unlad ng nasabing relasyon, at makakapagpahatid ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Salin: Vera