Ipinahayag Biyernes, Hulyo 26, 2019 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na idinaos kamakailan sa Manila ang Ika-22 Foreign Ministry Consultations ng Tsina at Pilipinas.
Ani Hua, ito ang kauna-unahang diplomatikong konsultasyon ng dalawang bansa, pagkaraang iupgrade ang relasyong Sino-Pilipino sa komprehensibo, estratehiko't kooperatibong relasyon. Lubos aniyang nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig hinggil sa pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino, kooperasyon sa iba't ibang larangan, at mga isyung panrehiyo't pandaigdig. Nagkaroon din sila ng mahalagang komong palagay tungkol sa paggigiit sa patuloy na pagkakaroon ng kapayapaan at katatagan ng South China Sea (SCS) at iba pang nilalaman.
Dagdag ni Hua, ipinasiya ng kapuwa panig na idaraos sa Tsina sa lalong madaling panahon ang ika-5 pulong ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM) sa isyu ng SCS, para magkasamang kontrulin ang kalagayang pandagat, at pasulungin ang hakbang ng magkasamang paggagalugad. Aniya, bilang mga tagapangulo ng Senor Officials' Meeting on the Implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), patuloy na magkakapit-bisig na pasusulungin ng dalawang bansa ang pagsasanggunian sa Code of Conduct in the South China Sea (COC).
Salin: Vera