Manila — Sa magkasamang pagtataguyod ng China Public Diplomacy Association (CPDA) at Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng Pilipinas, idinaos nitong Biyernes, Hulyo 26, 2019, ang Belt and Road China-Philippines Forum on People-to-People Exchange and Economic Cooperation. Dumalo rito ang mahigit isang daang panauhin mula sa PCOO, Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon, Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas, CPDA, Embahadang Tsino sa Pilipinas, mga bahay-kalakal na Tsino sa Pilipinas, at mga eksperto at iskolar ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Martin Andanar, Kalihim ng PCOO, na ang "Belt and Road" Initiative ay nakakapagpasulong sa pagpapalitang panrehiyon at pandaigdig sa iba't-ibang larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, at kultura. Nakikinabang din ng malaki rito ang Pilipinas, aniya.
Ipinahayag naman ni Gloria Macapagal Arroyo, dating Pangulo ng Pilipinas, na nagsasagawa ang Tsina kasama ng mga bansa sa kahabaan ng "Belt and Road" ng malawakang kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng imprastruktura, industriya, pinansiya, at iba pa. Nakikinabang dito aniya ang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinabibilangan ng Pilipinas. Dapat igiit ng Pilipinas ang pagsasagawa ng kooperasyon nila ng Tsina sa balangkas ng "Belt and Road," dagdag niya.
Sinabi naman ni Hu Zhengyue, Pangalawang Puno ng CPDA, na ang pagpapalalim ng kooperasyong Sino-Pilipino sa inisyatibang "Belt and Road" ay angkop sa komong kapakanang Sino-Pilipino. Ito rin aniya ay nakakapagbigay ng mabuting ambag para mapalalim ang kooperasyong Sino-ASEAN.
Salin: Lito
Photographer: Sissi