Sa artikulong inilabas kahapon, Lunes, ika-29 ng Hulyo 2019, sa Fresh News online media at ilang pahayagan ng Kambodya, sinabi ni Wang Wentian, Embahador ng Tsina sa Kambodya, na sa kabila ng mga elemento ng kawalang katatagan, nananatiling mabuti ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino.
Sinabi ni Wang, na nitong nakalipas na ilang panahon, inilabas ng ilang kanluraning media ang mga negatibong ulat hinggil sa kabuhayang Tsino, at sinabi nilang di-maiiwasan ang pagbaba ng kabuhayang Tsino. Pero aniya, kahit lumalala sa daigdig ang proteksyonismong pangkalakalan at unilateralismo, maganda pa rin ang takbo ng kabuhayang Tsino, at hindi naganap ang resesyong pangkabuhayan. Noong unang hati ng taong ito, lumaki ng 6.3% ang GDP ng Tsina, at matatag ang kalagayan ng konsumo, pamumuhunan, at kalakalang panlabas ng bansa, dagdag niya.
Tinukoy ni Wang, na bilang ikalawang pinakamalaking ekonomiya ng daigdig, lumampas sa 30% ang contribution rate ng Tsina sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig. Aniya, sa pamamagitan ng Belt and Road Initiative, ibinabahagi ng Tsina sa iba't ibang bansa ang pakinabang na dulot ng pag-unlad nito, para isakatuparan ang komong kasaganaan at kaunlaran.
Sinabi rin ni Wang, na sa kasalukuyan, ang Tsina ay pinakamalaking bansang pinagmumulan ng pamumuhunan, pinakamalaking trade partner, pinakamalaking bansang pinagmumulan ng mga turista, at pinakamalaking partner para sa kooperasyong pangkaunlaran ng Kambodya. Nananalig aniya siyang ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino ay makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Kambodya, at magdudulot ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng bansang ito.
Salin: Liu Kai