Nagtagpo nitong Huwebes, Agosto 1, sina Prayuth Chan-ocha, Punong Ministro ng Thailand at Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Ipinahayag ni Prayuth na itutuloy ng bagong pamahalaan ng Thailand ang mga patakaran sa Tsina, na naglalayong paunlarin ang malakas na relasyong Sino-Thai. Ipinahayag din niya ang kagustuhan ng Thailand na makilahok sa magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative. Nakahanda aniya ang pamahalaang Thai na pasulungin, kasama ng Tsina, ang pagtatatag ng daambakal na nag-uugnay ng dalawang bansa. Sinabi pa ng punong minsitrong Thai na mainit na tinatanggap ng kanyang bansa ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino. Umaasa rin aniya siyang mapapalalim ng Tsina't Thailand ang pagtutulungan sa pamilihan ng ikatlong panig, at pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayan.
Sinabi naman ni Wang na kailangang isagawa ng Tsina't Thailand ang pagpapalitan hinggil sa pagpapahupa ng karalitaan at pangangasiwa sa bansa. Kailangan ding palalimin ng dalawang bansa ang pag-uugnay ng mga estratehiyang pangkaunlaran, palawakin ang bilateral na kalakalan, at ilunsad ang mga bagong pagtutulungan sa inobasyon at artificial intelligence (AI), dagdag pa ni Wang. Ipinahayag din niya ang pagkatig sa Thailand bilang bansang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong ito.
Salin: Jade
Pulido: Rhio