Nagpadala ng mensaheng pambati sa isa't isa ngayong araw sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Jair Bolsonaro ng Brazil, bilang pagdiriwang sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Xi na kapuwa ang Tsina't Brazil ay umuunlad na bansa at bagong-sibol na kabuhayan ng daigdig. Ipinahayag ni Xi ang paghanga sa mga natamong bunga ng bilateral na relasyon at mga idinulot na kapakinabangan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa. Nakahanda aniya siyang magsikap, kasama ni Pangulong Bolsonaro, para itakda ang blueprint ng relasyon ng Tsina't Brazil sa hinaharap at magdulot ng mas maraming benepisyo para sa mga mamamayan ng dalawang bansa at magbigay ng bagong ambag sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig.
Sa kanya namang mensahe, ipinahayag din ni Bolsonaro ang pagkilala sa mga bunga ng kooperasyon ng dalawang bansa at kagustuhang magkasamang balangkasin ang plano ng pagpapasulong ng pag-unlad ng bilateral na relasyon, para mapakinabangan ito ng mga mamamayan ng Tsina't Brazil.
Salin: Jade
Pulido: Mac