Huwebes, Agosto 22, 2019, nakipagtagpo sa Beijing si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga ministrong panlabas na sina Kang Kyung-wha ng Timog Korea at Taro Kono ng Hapon. Sinabi ni Li na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang kooperasyon sa Timog Korea at Hapon. Nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng panig Timog Koreano at Hapones, para mapasulong ang trilateral na kooperasyon sa mas mataas na antas.
Tinukoy ni Li na dapat pangalagaan ng tatlong bansa ang multilateral na sistemang pangkalakalan na ang batayan nito ay mga alituntunin, at ang nukleo ay World Trade Organization (WTO), para marating sa lalung madaling panahon ang komprehensibong kasunduan sa malayang kalakalan ng tatlong panig sa mataas na antas, at mapasulong ang liberalisasyon at pasilitasyon ng kalakalan. Dapat din aniyang magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at gawin ang positibong ambag para sa pulitikal na pagresolba sa isyu ng Korean Peninsula, pagsasakatuparan ng denuklearisasyon ng peninsula at pangmatagalang kapayapaan ng rehiyon.
Nagpahayag naman ang dalawang ministro ng kahandaang pahigpitin ang bilateral na relasyon sa Tsina, palakasin ang trilateral na kooperasyon, at pangalagaan ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyon.
Salin: Vera