Phnom Penh, kabisera ng Kambodya—Nakipagtagpo Huwebes, Agosto 22, 2019 si Wang Wentian, Embahador ng Tsina sa Kambodya, kay Kuoch Chamroeun, Gobernador ng Lalawigang Preah Sihanouk ng Kambodya. Nagpalitan sila ng kuru-kuro tungkol sa mga isyung gaya ng kooperasyong lokal ng dalawang bansa.
Si Kuoch Chamroeun (kaliwa), Gobernador ng Lalawigang Preah Sihanouk ng Kambodya, at si Wang Wentian (kanan), Embahador ng Tsina sa Kambodya
Ipinahayag ni Wang na lubos na pinapupurihan at winewelkam ng panig Tsino ang kapasiyahan ng pamahalaang Kambodyano na ganap na ipagbabawal ang online gambling. Ipinalalagay niyang ang kapasiyahang ito ay hindi lamang makakabuti sa pangangalaga sa malusog na pag-unlad ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa, kundi makakatulong din sa malusog na pag-unlad ng kabuhaya't lipunan ng Kambodya, lalung lalo na, ng Sihanoukville. Aniya, pasisiglahin ng pamahalaang Tsino ang mas maraming bahay-kalakal na Tsino na mamuhunan at magsimula ng negosyo sa Sihanoukville, at patuloy na kakatigan ang pagpapaunlad ng espesyal na sonang pangkabuhayan ng Sihanoukville ng industriyang malapit sa puwerto.
Sinabi naman ni Kuoch Chamroeun na patuloy na makikipag-koordina ang kanyang pamahalaan sa pagbibigay-dagok ng panig Tsino sa online gambling, at winewelkam ang pamumuhunan ng mas maraming bahay-kalakal na Tsino sa kanyang probinsya.
Salin: Vera