Sa paanyaya ni Punong Ministro Dmitry Medvedev ng Rusya, dumating Lunes ng hapon, Setyembre 16, 2019 (local time) ng Saint Ptersburg si Premyer Li Keqiang ng Tsina para pasimulan ang kanyang opisyal na pagdalaw sa Rusya, at dumalo sa ika-24 na regular na pagtatagpo ng mga punong ministro ng dalawang bansa.
Saad ni Li, ang kasalukuyang taon ay ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Rusya. Aniya, sa pamamagitan ng kasalukuyang regular na pagtatagpo, buong pananabik niyang inaasahang mapapasulong ang pagtatamo ng panibagong bunga ng komprehensibo't pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa; ibayo pang kukumpletuhin ang nilalaman ng komprehensibo, estratehiko't kooperatibong partnership sa bagong panahon; at ihahatid ang mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Tinukoy ni Li na sa background ng masalimuot at malalimang pagbabago na nagaganap sa kalagayang pandaigdig, lumalaki ang presyur ng pagbaba ng kabuhayang pandaigdig. Hinggil dito, nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin ang pakikipagkoordina at pakikipagtulungan sa panig Ruso sa mga suliraning pandaigdig, magkasamang pangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan, at magkasamang gawin ang ambag para sa pagkumpleto ng global governance, pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig, at pangangalaga sa kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan ng rehiyon, maging ng buong mundo.
Salin: Vera