Kremlin, Moscow — Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules ng hapon, Setyembre 18 (local time), 2019 kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, ipinaabot muna ni Premyer Li Keqiang ng Tsina kay Putin ang mabuting pangungumusta ni Pangulong Xi Jinping.
Sinabi ni Li na ilang araw pa lamang ang nakararaan, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga lider ng dalawang bansa na pataasin ang relasyong Sino-Ruso sa comprehensive strategic partnership of coordination for a new era. Aniya, sa kanyang biyahe sa Rusya, idinaos nila ni Punong Ministro Dmitry Medvedev ang ika-24 na regular na pagtatagpo kung saan natamo ang maraming bagong bunga.
Dagdag pa ng premyer Tsino, ang pagpapanatili ng malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Ruso ay hindi lamang nakakabuti sa kapwa panig, kundi sa rehiyon at buong daigdig.
Bumati naman si Putin sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina. Sinabi niya na nitong 70 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Rusya at Tsina, nakuha ng relasyon at kooperasyong Ruso-Sino ang kapansin-pansing bunga. Aniya, nagiging mahalagang matatag na elemento ang relasyong Ruso-Sino para sa relasyong pandaigdig. Nakahanda ang Rusya na iugnay ng mas mabuti ang sariling estratehiyang pangkaunlaran sa "Belt and Road" Initiative para walang humpay na mapalawak ang saklaw ng kalakalan at mapasulong ang komong kaunlaran ng dalawang panig, dagdag pa niya.
Salin: Lito